Pwede na muling mangarap…

Gusto kong maniwala na pwede na nga. Kung ako lang, baka nga. Kaso bigla kong naalala ang mga simpleng taong sinamahan ko nitong nakaraang dalawang taong mangarap. Paano nga pala kung tanungin ako nina Yoyong, Manang Hilda, Bajekjek at iba pang mga magsasaka ng Sumilao kung totoo ngang pwede na silang mangarap muli? Paano kung tatanungin ako nina Ka Zaldy, Ate Virgie at Tatay Ben at ibba pang mga magsasaka ng Baha at Talibayog sa Calatagan kung may pag-asa na ba ang kanilang mga pangarap na magsaka ng matiwasay at mapayapa at din a manganganib na agawan sila ng lupa ng kumpanya ng mina ni Ramon Ang?

sumilao

Pwede ko bang isagot ng buong katapatan na pwede na nga? Kaso pag sinagot ko sila na pwede na nga, nakikinita ko na ang susunod na tanong? Di ba hindi naman bumoto si Noynoy pabor sa CARPER? Di ba kahit pinangako ni Pangulong Cory na ipamahagi ang Hda. Luisita sa mga magsaka ay di naman naisakatuparan hanggang sa ngayon?

Para sa akin, hindi na mahalaga ang sagot sa kung bakit nag-abstain ka sa pagboto sa CARPER bill. Palagay ko ganun talaga, may interes ang iyong pamilya sa lupa at labag sa interes ng iyong pamilya ang repormang agraryo. Hindi man ako sasang-ayon sa iyong piniling pasya pero hindi na misteryo kung bakit, at hindi ko man yun tanggap subalit maiintidihan ko.

Nakaukit sa aking alaala ang bakas ng galit, pagkalugmok, kawalan ng pag-asa sa kanilang mga mukha noong hindi naipasa ang CARPER noong Disyembre 2008. Nangahas kasi silang mangarap na maipasa ang extension at pagreporma ng CARP at pinaghirapan nila ang pangarap na yon – naglakad ng malayo, nagpakagutom, iniwan ang kanilang mga pamilya para ilaban ang CARPER. Kaya nga ang laki ng tuwa nila na naipasa rin ang CARPER sa wakas. Yun lang, namatayan kami ng isang kasama, si Ka Rene.

Pagkatapos ng mahirap at mahabang pakikipaglaban naipasa rin ang CARPER at ngayo’y batas na. Sayang hindi ka namin nakasama sa laban na iyon. Pakiramdam siguro nila hindi ka nakinig, hindi mo pinansin ang kanilang mga sakripisyo at hindi ka nakiisa sa kanilang pangarap. Kaya nga hindi ko alam kung pwede kong sasabihing pwede na nga silang mangarap?

Pwede ba silang mangarap na sa ilalim ng administrasyon ni Noynoy Aquino ay maipatupad ng maayos ang batas na ipinaglaban nila? Pwede na ba silang mangarap na dahil nagbunga ang kanilang sakripisyo at pagpupunyagi at magkakaroon na sila ng sariling lupa? Pwede ba silang mangarap na matatapos na ang pamamahagi ng lupa sa loob ng limang taong inilalaan ng CARPER?

Ayokong sabihin na sa ilalim ng administrasyon ni Noynoy Aquino ay walang pag-asa ang agrarian reform at ang mga magsasakang walang lupa. Naalala ko na sinabi mo sa Club Filipino na aasahan ng mamamayan ang iyong political will sa pagtulak ng pagbabago. Naalala ko din na kasama sa team mo si Butch Abad na naging isang magiting na DAR secretary nung panahon ni Pangulong Cory, yun nga lang sinagasaan sya ng mga panginooong maylupa at limang beses na-bypass sa Committee on Appointments.

Mahalaga para repormang agraryo at sa mga magsasaka na kakampi nila ang namumuno sa Department of Agrarian Reform. Mahalaga na ang namumunosa Dar ay naniniwala sa tunay ng repormang agraryo, mahalaga na ang secretary at ang Pangulo ay mayroong sapat na political will na itulak ang compulsory acquisition sa mga natitirang mga luapin na dapat ipamahagi sa mga Magsasaka. Palagay ko para sa mga Magsasaka, kung tama ang pagkakakilala ko sa kanila, umuubra ang pagbibigay ng tamang ehemplo. Palagay ko, kung sasabihin mo rerepasuhin natin ang lahat ng mga lupaing isinalalim sa Stock Distribution Option (SDO), gaya ng Had. Luisita at ipapamahagi ang mga ito sa pamamagitan compulsory acquisition ay pagkakatiwalaan ka ng mga magsasaka. Naiintindihan nila ang lengwahe ng sakripisyo dahil sanay sila dito.

Kapag tinanong nila ako kung maari silang mangarap sa administrasyon ng ibang mga kumakandidato, tahasan kong sasabihin na malabo. Mahirap kasing maniwala kung ang nakaupo ay kilalang nang-aagaw ng lupa o kaya ay kurakot.

Pero kung ang tanong ay may pag-asa ba ang repormang agraryo at ang kanilang mga pangarap sa administrasyong Aquino, ang sagot ay nasa iyong mga kamay.

Isang Tugon

  1. panyero, kailan ka magba-blog ulit? miss you na eh. 🙂

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: